“KARERA NI REP. GARIN MAAGA NGA BANG INALAT?” – LAHAT MAY TAMA

“KARERA NI REP. GARIN MAAGA NGA BANG INALAT?” – LAHAT MAY TAMA

Tila hindi pa rin matapos-tapos ang teleserye sa Kamara de Representates matapos magpalit ng liderato ang Mababang Kapulungan kamakailan.

Ang bawat kabanata ay kaabang-abang lalo’t ang ilan sa mga kongresista ay nag-ober da bakod pa sa kasagsagan ng speakership row sa pagitan nina Taguig Representative Alan Peter Cayetano at Marinduque Congressman Lord Allan Velasco.

Sa katunayan, isa sa mga kontrobersiyal na lumutang ang pangalan ay si AAMBIS-OWA Partylist Rep Sharon Garin, naging kontrobersiyal ang lady solon nang mag-ober-da-bakod ito at hayagang suportahan si Velasco gayong kaalyado siya ni Cayetano.

Bilang resulta ng kanyang pagtalikod sa liderato ni Cayetano ay inalis ito bilang Chairman ng House Committee on Economic Affairs, mula noon ay naging kadikit na ni Velasco si Garin sa lahat ng mga pagtitipon ng mga Velasco allies.

Usap-usapan ng mga miron sa Kamara na target umano ni Garin ang House Ways and Means Committee na pinangangasiwaan ni Albay Rep. Joey Salceda.

At dahil hindi uubra kay Salceda ang inaasam ni Garin ay ang Deputy Speakership na lamang ang ipinangakong pwesto kay Garin.

Pero tila nag-iba ang ihip ng hangin at nadiskaril ang pangarap na puwesto ni Garin sa mismong kaarawan ni Velasco noong Ika-siyam ng Nobyembre.

Nag-ugat ang lahat sa isang dinner sa pagitan ng mga Velasco Allies na ginanap sa Rizal Hotel kung saan ay biniro umano ni Garin si Davao Rep. Pulong Duterte ng “ hindi ka naman bumoto kay Speaker Velasco pero nagkaroon ka ng pwesto”.

Di daw nagustuhan ni Pulong ang “half meant” joke, nauwi ang biruan sa komosyon hanggang sa magkaawatan, bandang huli ay sinabi ni Pulong sa kanyang viber message sa mga kongresista na didistansya na siya sa ruling majority dahil nakukuwestiyon ang kanyang loyalty.

Sa gitna ng lahat ng pangyayari ay si Garin tuloy ang nawalan. Aba’y hindi maaaring piliin ni Velasco si Garin over sa pader na si Pulong.

Kaya ang resulta, out of the picture na ngayon si Garin. Sa binuong House contingent para sa Bicam sa 2021 budget, nowhere to be found sa 21-panel si Garin na noong 2020 budget ay isa ito sa itinalaga ni Cayetano na miyembro ng bicameral conference.

Ayon sa mga malalapit kay Velasco, malabo na din na maitalaga si Garin bilang House Deputy Speaker.

Sabi tuloy ng mga panatiko ng “sarsuela” sa Kamara, mistulang naging maalat ang tadhana sa lady solon.

Naku, mukhang hindi lamang naging maalat ang karera ng mambabatas, mukhang tuluyang mauunsyami din ang political ambition niya dahil plano pala nitong tumakbo sa senatorial race sa 2022.

Sa ating mga kagalang-galang na mga halal na lider ng bayan, naway pairalin ninyo ang tinatawag na ‘loyalty’, sapagkat dito nasusukat ang inyong integridad at kredibikidad. Ang paninindigan ng tama nang walang halong personal na mga intereses ang siyang dapat tinataglay ng sinumang pinuno ng bansa, mula man yan sa maliit na posisyon sa gobyerno hanggang sa pinakamataas na katungkulan.

Kung wala kasi kayong pagpapahalaga sa samahan o relasyon ninyo sa kapwa politiko ay tiyak na madidiskaril din ang sanay layunin ninyo na pagsilbihan ang taumbayan, at kapag nanaig ang mga intereses iilang mga gahaman tiyak na lahat tayo ay tatamaan.

admin

admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *