Kapitan ng Brgy. Muzon sa SJDM, pinaiimbestigahan sa COA dahil sa proyektong sementeryo
Hiniling ng isang grupo sa Commission on Audit (COA) na imbestigahan ang isang kapitan at mga kagawad ng Bgy. Muzon sa San Jose del Monte, Bulacan dahil sa paggamit ng loan para sa mga proyektong hindi aprubado.
Sa kanilang liham, sinabi ng Pinoy Aksyon for Governance and the Environment (Pinoy Aksyon) na dapat imbestigahan ng COA ang Barangay Muzon Council na pinamumunuan ni Kapitan Marciano Gatchalian dahil sa pagtatayo ng isang sementeryo kung saan ginamit nila ang bahagi ng P80 milyon na loan mula sa Development Bank of the Philippines (DBP) ng walang mga permiso mula sa pamahalaang lungsod ng San Jose del Monte.
Ang proyektong sementeryo ay ipinatigil ng pamahalaang lungsod dahil wala itong kaukulang permiso at mga dokumento.
“Si Gatchalian ang may kasalanan at ngayon ay sinisisi nya ang ibang tao sa ginawa nya. Kailangan siyang managot sa batas,” ayon kay Pinoy Aksyon chairperson BenCy G. Ellorin.
Ayon sa Pinoy Aksyon, dahil ginamit ng Muzon barangay council ang P40 milyon or kalahati ng DBP loan ng walang pahintulot ng pamahalaang lungsod, nilabag nina Gatchalian at mga kasama ang batas.
Bukod dito, inilagay sa peligro nina Gatchalian ang kita ng barangay dahil gagamitin ito upang bayaran ng DBP loan sa susunod na 15 taon.
Sa kanilang liham, hiniling ng grupo sa COA na magsagawa ng audit ng mga ginastos sa iligal na pagtatayo ng sementeryo na mula sa DBP loan at sa kalahati ng loan para sa solar street lights na tatagal lamang ang buhay ng hanggang 10 taon na hindi dapat pondohan ng isang loan na babayaran ng 15 taon.
Noong Hulyo 2020, kinasuhan ng grupo si Gatchalian sa Ombudsman at Department of Interior and Local Government sa umano’y iregularidad sa pamamahagi ng Social Amelioration Program sa ilalim ng Bayanihan Heal as One Act 1.
Ayon sa grupo, tila sunod-sunod ang pang-aabuso sa puwesto na ginagawa ni Gatchalian dahil hindi nito sinusunod ang batas.