Kamara kinalampag sa hindi pantay na alokasyon sa infrastracture projects ng congressional districts
Pinuna ni Senator Panfilo Lacson ang “disparity” o unfair na hatian ng alokasyon sa mga infrastructure budget ng mga Kongresista kung saan tinukoy nito ang bilyon bilyong pisong inilaan sa isang distrito sa Davao, sa Benguet, Albay at Abra habang sa ibang distrito ay ilang milyon lamang.
Sa paghimay ng Senado sa proposed P4.5 Trillion national budget ay sinabi ni Lacson na kitang kita ang malaking diperensya sa laki ng budget sa ilang distrito habang kakarampot naman sa iba.
Inihalimbawa ni Lacson ang isang Distrito sa Davao may budget sa infrastructure na aabot sa P15.351B, sa Albay ay P7.5B, sa Benguet ay P7.9B habang sa Abra ay P3.75B.
Hindi tinukoy ni Lacson ang mga partikular na distrito subalit isa sa may hawak ng Distrito sa Davao ay si Presidential Son at Davao 1st District Rep. Paolo Duterte, sa 2nd District ng Albay ay si Joey Salceda, sa Abra ay si Lone Distrct Rep. Joseph Bernos habang caretaker naman sa Benguet si ACT CIS Partylist Rep. Eric Yap.
Habang naglalakihan ang ilang mga distrito ay may kongreista naman na nakatanggap ng P42 million.
“This is just to point out the disparity in the distribution of the budget.Yun ang honor roll. Horror roll… I just want to point that out, bakit ganun ang disparity? What’s in those districts that would merit those appropriations?” pahayag ni Lacson.
Sa laki ng budget na natangap ng mga kongresista na sinabi ni Lacson na nasa “horror roll”, aminado ito na duda din sya kung kung maipapatupad nga ang mga bilyong halaga ng infrastrature projects.
“The absorptive capacity. Kasi kung sa isang district ‘yan babagsak, I cannot see how that particular engineering district could implement P15.351 billion of infrastructure projects,” giit ni Lacson.
Maging si Senate President Tito Sotto ay naalarma din sa puna ni Lacson sa paghahati hati ng alokasyon sa 2021 budget.
“Usually kasi sa pinagdaanan kong mga budgets, yung mga districts, ‘di masyadong nagkakalayo ang amounts ng funding nila, especially sa DPWH.Bago sa akin ito na mayroong ilang district na saksakan ng lalaki ang amount,” paliwanag ni Sotto.
Matatandaan na sa House Speakership row kamakailan ay ginawang isyu kay dating House Speaker at Taguig Rep Alan Peter Cayetano ng mga kaalyado ni Marinduque Rep at ngayon ay House Speaker Lord Allan Velasco na sina Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, 1 Pacman Partylist Rep, Mikee Romero at Oriental Mindoro Rep Doy Leachon ang hindi pantay pantay na infrastructure allocation sa budget kung saan inakusahan ng mga ito si Cayetano na pinaboran ang ilang mga mambabatas.
Sa ilalim ng pamumuno ni Velasco naipasa sa Kamra ang 2021 budget.
Tinangkang hingan ng reaksyon si Velasco ukol sa ibinunyag na “horror roll”appropriations ni Lacson subalit tikom ang bibig ng House Leadership sa isyu.