Isang mataas na opisyal ng NPA patay sa engkwentro sa Cotabato
Nasawi ang isang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) sa engkwentro sa mg otoridad sa Cotabato.
Nangyari ang engkwentro sa bayan ng President Roxas, North Cotabato Lunes (February 8, 2021) ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Buenaventura Dawal alyas Atan, ma miyembro ng Executive Committee ng Southern Mindanao Regional Committee.
Nasawi din ang kaniyang kasama na nakilala lamang sa pangalanang Alambo.
Nakatakas naman ang isa pa na si Patrick Nadong alyas Chris.
Nagsagawa ng pagsalakay ang pinagsanib na pwersa ng 90th Infantry (BIGKIS LAHI) Battalion sa ilalim ng 602nd Brigade ng 6th Infantry Division; 72IB, Cotabato Police at President Roxas sa hideout ng mga suspek para isilbi ang Warrants of Arrest sa kasong murder laban sa mga suspek sa Sitio Marinangao, Brgy. Sarayan.
Pero nagpaputok ng baril ang mga suspek sa raiding at arresting team.
Nauwi na sa palitan ng putok ang operasyon na ikinasawi ng dalawang rebelde.
Nakuha sa kanila ang mga armas kabilang ang Elisco M16 Rifle, isang M1 Carbine Rifle, isang Norinco Cal. 45 Pistol, dalawang IEDs, at mga personal na gamit.