Ipinambili ng NMAX para sa mga SK Chairman sa Montalban hindi galing sa pondo ng bayan ayon kay Mayor Tom Hernandez
Nagbigay ng paglilinaw si Montalban, Rizal Mayor Tom Hernandez kaugnay sa nababatikos na pagbibigay ng NMAX na motorsiklo ng pamahalaang bayan sa mga SK chairman ng bawat barangay.
Sa kaniyang paliwanag na ibinahagi sa Facebook, sinabi ni Hernandez na hindi galing sa pondo ng bayan ang ipinambili ng NMAX kundi mula ito sa isang grupong “A Riders” na kusang-loob na nagbigay ng tulong at donasyon sa mga kabataan sa Montalban.
Hinding-hindi aniya maglalaan ng pondo ang pamahalaang bayan para sa nasabing mga sasakyan lalo ngayong panahon ng pandemya.
Ipinaliwanag din ni Hernandez na isa sa mga layunin ng kaniyang panunungkulan ay ang mapalakas ang sektor ng kabataan ng bayan na may malaking bahagi ng populasyon.
Aniya, hangad ng kaniyang pamunuan na magkaroon ng sariling mga programa at proyekto sa abot ng kanilang kaalaman at kasanayan ang mga kabataan.
Ayon kay Hernandez, ang mga motorsiklong NMAX ay gagamitin sa mga inilatag na programa ng Sangguniang Kabataan.
Kabilang dito ang proyektong “Stroll Kame” kung saan nakalatag ang maraming proyekto gaya ng “Project Karungunan para sa Kabataan sa gitna ng COVID-19 Pandemya”, Project KKK: Kabataan para sa Kalikasan para sa Kinabukasan, Project Kabataan para sa Kultura ng Bayan, Pagbabalangkas ng Kasaysayan ng Montalban, PangKabuhayan para sa Kabataan sa panahon ng Pandemya, at maraming iba pa.
Ito ay ilan lamang sa mga Programa at Proyektong isinusulong ng ating mga kabataan sa pamamagitan ng Stroll Kame Project.
Iginiit ni Hernandez na walang Public Funds ng Lokal na Pamahalaan na ginamit at inilabas para ipambili sa 11 units ng NMAX motorcycles para sa mga SK Chairpersons.