Infra budget ng mga kongresista biglang lumobo ng maging house speaker si Velasco

Infra budget ng mga kongresista biglang lumobo ng maging house speaker si Velasco

Biglang naiba at lumobo ang infrastructure budget ng mga kongresista nang biglang maupo na House Speaker si Marinduque Rep Lord Allan Velasco, pag-amin ni Sen. Panfilo Lacson.

Ayon kay Lacson naging kapansin pansin na binago ang House version ng General Appropriations Bill(GAB) nang magpalit ng lider ang Kamara, inihalimbawa nito ang isang distrito na P9 Billion ang inisyal na budget nang si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang House Speaker ngunit nang magbitiw ito at palitan ni Velasco ang nasabing distrito na hindi nito tinukoy ay biglang naging P15 billion na ang infrastructure budget.

‘Pagpalit ng liderato, napansin namin, halimbawa sa NEP (National Expenditure Program), yung isang distrito nasa mga P9 bilyon. Siguro medyo matibay yung distrito na yun, paglabas ng GAB, under the new leadership, umabot pa siya ng P15 billion. Merong distrito din na nasa P4 or P5 billion, paglabas ng GAB, nadagdagan pa ulit ng another P4 or P5 billion, naging halos P8 billion na. So nakakagulat talaga,” pahayag ni Lacson.

Kinumpirma ni Lacson na ang mga malalapit kay Velasco ang syang dinagdagan ng pondo.

“Nung nagpalit ng liderato, nagpalit ang ihip ng hangin. Yung iba, from NEP, nabawasan siya pagdating sa GAB kasi under the new leadership. So yung malapit sa kusina, yun ang nadagdagan, at yung mga outside the kulambo, yun ang nabawasan”ani Lacson.

Idinagdag pa ng senador na sa pagbabalangkas pa lang ng NEP ay mayroon nang gapangan ang mga kongresista para sa kanilang mga distrito, ani Lacson, dito nagkakaroon ng problema dahil ang mga nilobby na infrastructure projects ay nagreresulta sa poor planning.

“Yung pag-implementa, hindi maayos kasi hindi nasusunod yung dapat na pagpaplano ng DPWH kasi pinapakailaman ng legislators.Walang pork pero sa implementasyon, hindi rin nawawala ang commission,” paliwanag ni Lacson.

Nang maupo si Velasco bilang House Speaker noong Oktubre 13, 2020 ay matatandaang bumuo din ito ng small committee na mangangasiwa sa 2021 budget, ang miyembro ng komite ay pawang “handpicked” ni Velasco na nagrekomenda ng P20 billion amendments sa budget.

Kabilang sa mga miyembro ng small committee ay sina Majority Leader Martin Romualdez, House committee on appropriations chair Eric Yap, Rizal Rep Jack Duavit, Bataan Rep Jose Enrique Garcia,Albay Rep Joey Salceda, Batangas Rep Elenita Buhain, Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera, AAMBIS-OWA Rep Sharon Garin, Oriental Mindoro Rep Doy Leachon, Camiguin Rep Javier Romualdo, Samar Rep Edgar Sarmiento at Nueva Vizcaya Rep Luisa Lloren Cuaresma.

Sa kabila ng sunud sunud na expose ni Lacson sa naglalakihang pondo ng mga kongresista ay nanatili namang tahimik ang tanggapan ni Velasco at tumatangging magbigay ng komento sa isyu.

Ilan sa tinukoy ni Lacson na may malaking infrastructure budget ay isang distrtito sa Davao na may P15.351B budget; sa Albay ay P7.5B, sa Benguet ay P7.9B habang sa Abra ay P3.75B.

Hindi tinukoy ni Lacson ang mga partikular na distrito subalit isa sa may hawak ng Distrito sa Davao ay si Presidential Son at Davao 1st District Rep. Paolo Duterte, sa 2nd District ng Albay ay si Joey Salceda, sa Abra ay si Lone Distrct Rep. Joseph Bernos habang caretaker naman sa Benguet si ACT CIS Partylist Rep. Eric Yap.

Ang pagkakaroon ng naglalakihang budget ng mga kongresista ay isang malaking usapin sa harap na rin ng naging kumpirmasyon ng Presidential Anti Crime Commission(PACC) sa kanilang isinagawang imbetigasyon na nakakatanggap ng 10 hanggang 15% komisyon ang mga kongresista sa mga infra projects na ginagawa ng DPWH.

Sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica na sa laki ng komisyon ng mga kongresista sa mga proyekto bukod pa sa posiyento din ng mga tiwaling DPWH officials, mga contractor at district engineers ay halos 50% na lang ang napupunta sa project cost.

“Probably, around 50 percent or less will go to projects. That’s why we see substandard, incomplete projects because of that system,” pagtatapos pa ni Belgica.

admin

admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *