Imbestigasyon ng Kamara sa malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela, malamya ayon sa KMP

Imbestigasyon ng Kamara sa malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela, malamya ayon sa KMP

Nakukulangan ang peasant group na Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa nagging takbo ng ginagawang imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa naging pinsala ng bagyong Ulysses sa Cagayan at Isabela dahil nakatuon lamang ito ginawang pagpapakawala ng tubig ng mga dams at walang pag-iimbestiga sa illegal mining at illegal logging.

Ang pahayag ay ginawa ng grupo bilang reaksyon sa naging pahayag ni House Speaker Lord Allan Velasco na climate change at ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam ang sanhi ng pagbaha sa Cagayan at Isabela kaya bubusisiin ng Kamara ang dam protocols.

Ayon kay KMP President Danilo Ramos ang mahalagang dapat na imbestigahan ng Kamara ay ang logging sa mga bundok ng Cagayan at Isabela at ang mapanirang mining na syang sanhi ng pagbaha.

Bagaman welcome development sa kanila ang House Inquiry na ginagawa ng Kamara ngunit nakalulungkot na hindi naman nito kayang banggain ang mga malalaking contractor at malalaking tao na nasa likod ng illegal mining at logging.

“Tingin po namin mahalaga matukoy sino responsable at di matulad sa iba na after ng insidente ay basta nawala na lang sa limot. Kelangan magkaron ng hustisya sa mamamayan na naapektuhan. Ito ang pinakamagandang pagkakataon para tignan ng mga mambabatas ang pagkalbo na ng mga bundok at pagkasira ng kalikasan dulot ng mining”pahayag ni Ramos.

“Mahalaga ang imbestigasyon na ito ng Kamara pero sa takbo ng ginagawang hearing ay mapupunta na ito at magagaya lang sa nakaraan na wala ring nangyari, ang aming apela ay huwag lang mag-focus sa dam” dagdag pa nito.

Sa joint investigation ng House Committee on Agriculture and Food at Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle sinabi ni Velasco ang pagpapawala ng tubig ang nagpalala ng sitwasyon sa Cagayan at Isabela sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ulysses na sinang-ayunan din ni House Deputy Majority Leader Bernadette Herrera na nagsabing 2006 pa ang dam protocol na sinunusud na hindi na akma sa panahon.

Subalit pinabulaanan ito National Irrigation Administration (NIA) head Ricardo Visaya, aniya, hindi ang pagbubukas ng gates ng Magat dam ang ugat ng matinding pagbaha sa Cagayan at Isabela kundi ang malawakang illegal logging, mining at quarrying activities sa lugar.

Batay sa isang matrix naa ipinakita ni Visaya ay mula November 9 hanggang 14 noong kasagsagan ng bagyo, ang peak water inflow ng Magat Dam ay 7,128 cubic meters per second pero naglalabas lamang ang dam ng 6,706 cubic meters per second, pagpapatunay na hindi ang pagbubukas ng water gate ng dam ang ugat ng matinding pagbaha.

Sinabi ng KMP na maituturing na moro-moro lamang ang imbestigasyon ng Kamara kung hindi nito sasakupin sa kanilang House Inquiry ang tunay na problema sa mining kabilang na ang black sand mining na talamak sa Cagayan at ang talamak na legal at illegal logging na may permiso pa mismo ng lokal na pamahalaan.

Minaliit din ng KMP ang naging pahayag nin Isabela Governor Rodito Albano at Vice Gov Faustino Dy III na wala nang mining operations at illegal logging sa lalawigan, anila, mismong mga residente ang makapagpapatunay na talamak pa din ang ganitong illegal na aktibidad at hindi pa rin ito nagbago.

Kahapon ay ipinag-utos na ni Interior Secretary Eduard Año ang crackdown sa illegal logging at illegal quarrying kasunud ng naranasang malawakang pagbaha sa bagyong Ulysses.

Partikular na pinakikilos ni Año ang LGUs at Philippine National Police(PNP) na bantayan ang ganitong illegal na aktibidad kasabay ng pagbabanta nito sa mga tiwaling local government officials na sangkot sa illegal logging at illegal quarrying sa kanilang lugar na tutukuyin at kakasuhan ang mga ito.

 

admin

admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *