Ika-121 Malasakit Center binuksan sa Mt. Province
Binuksan sa Mt. Province ang ika-121 Malasakit Center.
Sa pagbubukas ng bagong Malasakit Center, tiniyak ni Senator Christopher “Bong” Go na patuloy na titiyakin ang right to access sa health care services ng bawat mamamayang Filipino.
Dinaluhan ni Go ang virtual launching ng 121st Malasakit Center sa Bontoc General Hospital sa bayan ng Bontoc.
Ang BGH ang ika-anim na ospital sa Cordillera Administrative Region at ikalawang ospital sa lalawigan ng Mt. Province na nagkaroon ng Malasakit Center.
Mayroon na ring MCs sa Luis Hora Memorial Regional Hospital sa Barangay Abatan, Bauko.
“Pasensya po at gusto ko sanang dumalo diyan pero naging delikado ang panahon. Ayaw ko naman ipagpaliban ang pagbubukas nito dahil marami ang nangangailangan ng tulong. Lalo na ngayong may pandemya, maraming pasyente ang gustong makahingi ng tulong mula sa gobyerno para sa kanilang pampagamot,” ayon kay Go sa kaniyang his virtual speech.
Ang Malasakit Center ay one-stop shop ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno na naglalayong magbigay ng medical assistance sa mga nangangailangan.
Matatagpuan sa center ang mga kinatawan ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.
Ang kauna-unahang Malasakit Center ay binuksan sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City noong 2018.
Nang siya ay maging senador, ipinanukala ni Go ang Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019 na naging ganap nang batas.
Sa ilalim ng naturang batas, ang lahat ng DOH-run hospitals ay kailangang magkaroon ng sarili nilang Malasakit Center.
Ang iba pang ospital na pinatatakbo naman ng local government units ay maari ding magkaroon ng Malasakit Center.
“Ipinangako kong isasabatas ko ‘to para kahit wala na kami ni Pangulong [Rodrigo] Duterte sa gobyerno ay tuloy-tuloy ito. Kung nakakatulong lang naman ‘to sa mga mahihirap nating kababayan, pakiusap ko sa susunod na administrasyon na sana ay patuloy nila itong suportahan,” dagdag ni Go.
Noong June 24, nilagdaan na din ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ganap na batas ang 13 panukala na layong pagbutihin pa ang kapasidad ng mga ospital sa bansa.
Sa ilalim ng batas kung saan si Go ang sponsor, itataas ang bed capacities, pagbubutihin ang pasilidad at magtatayo pa ng mga bagong ospital sa iba’t ibang parte ng bansa.
“Bukas ang opisina namin ni Pangulo kung may gusto kayong hingin na tulong. Hindi kami mangangako ng hindi namin kaya pero gagawin namin ang lahat para tulungan kayo. Lalo na nasa gitna tayo ng krisis, panahon ito para magmalasakit sa ating kapwa,” ayon sa senador.
Kasunod ng seremonya sa pagbubukas ng MC, namahagi din ang grupo ni Go ng meals, food packs, vitamins, masks at face shields sa 261 frontline health workers.
May mga tumanggap din ng bagong sapatos at bisikleta at computer tablets.
Ang team naman mula sa DSWD ay nagbigay sa 201 rank-and-file employees ng tulong-pinansyal.
Habang 51 indigent patients ang tumanggap din ng cash assistance.
Ayon sa pasyenteng si AyobJonalina Galate, nakatulong ng malaki sa kaniya ang Malasakit Center dahil wala siyang binayaran sa ospital.
“Napanood namin sa telebisyon na tinutulungan daw ng Malasakit Center ang may mga sakit. Hindi ako nahirapan humingi ng tulong. Naging madali ‘yung proseso. Hindi ka pabalik-balik at hindi marami ang requirements. Sobrang laking tulong niya kasi wala akong binayaran sa pag-oospital ko,” kwento ni Galate.
Samantala, pinasalamatan ni Go ang mag lokal na opisyal sa Bontoc.
Pinasalamatan din ng senador si Secretary Michael Lloyd Dino ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas, Assistant Secretary Girlie Veloso ng Office of the President, Representative Maximo Dalog, Jr., Governor Bonifacio Lacwasan, Jr., Vice Governor Francis Tauli, at Mayor Frankline Odsey. (Dona Dominguez-Cargullo)