House Speaker Velasco, sinisisi sa “silent war” sa Kamara
Muli na namang umugong ang panibagong yugto umano ng balasahan sa Committe Chairmanship sa Kamara de Representates, matapos sibakin nuong nakaraang linggo ang tatlong Deputy speakers na malapit na kaalyado ni dating House speaker Alan Peter Cayetano.
Nabatid na una nang pinalitan bilang Deputy speakers sina Reps. Fredenil Castro (Lakas-CMD, Capiz); Dan Fernandez (NUP, Laguna) at Raneo Abu (NP, Batangas).
Humalili sa posisyon ng mga ito sina Reps. Rufus Rodriguez (Independent, Cagayan de Oro City); Lito Atienza (BUHAY Partylist) at Camile Villar (NP, Las Pinas City).
Sanhi nito, ayon sa insider sa Kamara ay tila taliwas ang mga hakbang na iyon sa sinasabi ni House speaker Lord Allan Velasco na magsisilbi siya bilang “unifying leader” ng mababang kapulungan ng Kongreso, matapos umiral ang sigalot sa pagitan nila ni dating House speaker Cayetano.
Maugong din ang balita na posibleng mapalitan si House Majority Leader Martin Romualdez, bukod kasi sa malapit ito kay Cayetano ay puntirya din ni 1-Pacman Partylist Rep Mikee Romero ang nasabing posisyon.
Batay sa term sharing agreement, tanging sina Cayetano at Velasco lamang ang magpapalit ng puwesto habang mananatili at hindi gagalawin ang mga Deputy Speakers at Chairman ng mga komite.
Nabatid na nakapaloob din sa kasunduan ang pagkakaroon ng 22-Deputy speakers- sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Kamara.
Layunin umano nito na mapagbigyan ang mga kaalyado nina Velasco at Cayetano at magkaroon ng “unified House” kahit pa man dalawa ang magiging Speaker sa 18th Congress.
Sa naging pulong nina Cayetano at Velasco kay Pangulong Rodrigo Duterte ay nangako pa ang huli na walang magiging pagbabago sa mga opisyal ng Kamara.
Una sa mga sinipa sa puwesto ni Velasco ay si Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte na isa sa mga bumalangkas para maisabatas ang Bayanihan 1 at 2, na nagbigay daan para makinabang ang 18-milyong recipients ng Social Amelioration Program.
Ilan pa sa mga tinamaan ng balasahan ay si Kabayan Rep. Ron Salo, na inalis na rin bilang
Pinuno ng House Contingent ng House of Representatives Electoral Tribunal.
Samantala, tumanggi naman umano si Las Piñas Rep. Camille Villar sa alok na maging Deputy Speaker.
Aminado ang ilang insider sa Kamara na para makuha ang suporta noon ng mga kapwa nila mambabatas na nasa panig ni Cayetano ay pinangakuan ang mga ito ni Velasco na makakakuha ng puwesto sa kanyang liderato. Ito umano ang dahilan ngayon kung bakit nagkakaroon ng “silent war” sa mismong mga kaalyado ng House Speaker.
Una nang nabunyag ang hindi pagkakasundo sa pagitan ng mga Velasco allies nang pasaringgan umano ni AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin si Davao Rep. Paolo Duterte at sabihang “hindi ka naman bumoto kay Velasco pero nagkaroon ka ng pwesto”.
Hindi nagustuhan ni Duterte ang biro hanggang sa nagkaroon ng komosyon at humantong sa awatan.
Kaagad naman daw na humingi ng paumanhin si Duterte sa kapwa niya mga kongresista sa pamamagitan ng viber group chat kasabay ng pagsasabi na dahil nakukuwestiyon ang kanyang loyalty ay didistansya na lamang siya sa House Majority.
Ilang mambabatas na kasama sa pagtitipon ang nagsabing hindi biro kundi “half meant” ang sinabi ni Garin.
Nabatid si Garin ay pumoporma na maging Chairman ng House Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda na inalok na maging Deputy Speaker, subalit hindi pumayag.
Si Rep. Duterte naman ang may hawak sa makapangyarihang House Committee on Accounts, habang Vice Chairman si House Appropriations Committee Chairman at Benguet caretaker ACT CIS Partylist Rep. Eric Yap na malapit na kaibigan ni Duterte.