WATCH: Hindi bababa sa 10 sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa Maynila
Hindi bababa sa 10 katao ang sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa Taft Avenue sa Maynila.
Malubhang nasugatan ang isang rider ng motorsiklo matapos maipit sa pagitan ng isang kotse at taxi.
Dinala na sa Ospital ng Maynila ang mga nasugatan na karamihan ay rider at angkas ng mga motorisklo.
Ayon sa tauhan kay Reynaldo Noriel ng Manila Traffic Bureau, pinara nila sa bahagi ng Gil Puyat sa Taft ang isang kulay itim na Honda Jazz na may plakang THI 328 dahil sa traffic violation.
Pero sa halip na huminto ito ay humarurot pa at nagtangkang tumakas.
Nahabol ni Noriel ang kotse sa bahagi ng Padre Faura at doon kinausap.
Pero nang itinatabi ng MTBP ang kaniyang motorsiklo ay muling tumakas ang kotse at doon na nagsimulang magkakasunod na makabangga ng mga sasakyan.
Nakilala ang driver ng Honda Jazz na si Anthony Santos Martin.
Mula sa bahagi ng Padre Faura, UN Avenue ay nakabangga na mga sasakyan ang suspek.
Pagsapit sa bahagi ng Taft-Ayala Avenue ay doon na nagdulot ng matinding karambola ang tumatakas na suspek.
Hindi bababa sa 15 sasakyan ang nadamay sa aksidente kabilang ang pitong motorisklo, mga kotse, SUV, at dalawang taxi.
Hawak naman na ng mga otoridad ang suspek.