Hepe ng Drug Enforcement Unit sa Zambanga City Police masisibak sa pwesto matapos bumagsak sa drug test
Iniutos ni PNP Chief, Police General Debold M. Sinas ang pagsibak sa pwesto sa isang police official sa Zamboanga City Police Office makaraang bumagsak ito sa drug test.
Ayon kay Sinas, lahat ng pulis na magpopositibo sa drug test ay hindi na dapat manatili sa serbisyo.
Si Police Major Jivertson D. Pelovello ay inilipat na sa Regional Personnel Holding and Accounting Section ng Police Regional Office 9 habang sumasailalim sa pre-charge investigation at summary dismissal proceedings.
Si Pelovello na hepe ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Zamboanga City Police Office ay nagpositibo sa drug test.
Ayon kay Sinas kabilang si Pelovello sa 60 personnel ng Zamboanga City Police Office kasama ang 12 CDEU personnel na isinailalim sa drug test ng Regional Crime Laboratory Office noong December 18, 2020.
Isinailalim sa confirmatory test si Pelovello noong January 6, 2021 at doon lumabas na positibo ito sa drug test.
Ayon kay Western Mindanao PNP Regional Director, Police Brigadier General Ronaldo Genaro Ylagan nadisarmahan na si Pelovello at ipinoproseso na ang kasong administratibo laban dito. (D. Cargullo)