Heavy rainfall warning nakataas sa maraming lugar sa Visayas at Palawan
Nakararanas ng malakas at tuluy-tuloy na buhos ng ulan sa maraming mga lugar sa Palawan at sa Visayas.
Sa inilabas na heavy rainfall warning ng PAGASA alas 5:45 ng umaga ngayong Miyerkules, Sept. 16, Red warning level na ang nakataas sa Kalayaan Islands sa Palawan at sa Central Cebu.
Orange warning level naman ang nakataas sa Leyte, Southern Leyte, silangang bahagi ng Bohol, Negros Oriental, nalalabing bahagi ng Palawan at sa Occidental Mindoro.
Yellow warning level naman ang umiiral sa nalalabing bahagi ng Bohol, sa Biliran, at sa southern part ng Negros Occidental.
Pinag-iingat ng PAGASA ang publiko sa posibleng flashflood at landslides na maaring maidulot ng patuloy na pag-ulan na nararanasan. (DVD)