Health workers ng Caloocan City Medical Center sinimulan nang bakunahan kontra COVID-19
Nagsimula na ang pagbabakuna sa health workers ng Caloocan City Medical Center (CCMC) araw ng Biyernes (March 5),
Ang pag-rollout ng bakuna sa CCMC ay dinaluhan nina Caloocan City Mayor Oca Malapitan kasama si Senator Francis Tolentino.
Upang mahikayat ang iba pang medical staff, nagboluntaryong unang magpabakuna ng Sinovac vaccine si CCMC Administrator Dr. Fernando Santos at si Caloocan City Health Officer Dra. Evelyn Cuevas.
Sa naunang pahayag ay sinabi ni Dr. Santos na sa kabuuang 457 hospital staff, nasa 149 sa kanila ang pumayag na magpabakuna ng Sinovac vaccine.
“Ito ang mabisang solusyon para muli tayong makabangon sa pandemyang ito na labis na nakaapekto sa ating pamumuhay. Magpabakuna po tayo para sa proteksyon natin at ng ating mga mahal sa buhay,” ayon sa alkalde.
Ang CCMC ay isa sa dalawang ospital na pinopondohan at pinapatakbo ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan.
Ang isa ay ang Caloocan City North Medical Center na inaasahang nakatakda na ring simulan ang vaccination rollout sa mga susunod na linggo.