Gobyerno doble-kyado para matugunan ang kagutuman, makalikha ng trabaho at maibangon ang ekonomiya – Sen. Bong Go
Tiniyak ni Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na nagdodoble-kayod ang gobyerno upang muling maibangon ang ekonomiya.
Kasunod ito ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagsak sa -9.5% ang ekonomiya ng bansa noong 2020.
Ito na ang pinakamatinding pagbagsak ng ekonomiya ng bansa sa kasaysayan simula noong 1947.
Sa panayam kay Go matapos ang pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng bagyo sa Barobo, Surigao del Sur sinabi nitong buong mundo at hindi lamang ang Pilipinas ang naapektuhan ng pandemya.
“Lahat po tayo, buong mundo ay apektado rito sa pandemyang ito. Maraming negosyo ang nagsara, marami pong tao ang nawalan ng trabaho. Hindi lang po ang ating bansa ang tinamaan po rito sa pandemyang ito,” ayon kay Go.
Sinabi ni Go na ipaprayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtugon sa problema sa kagutuman.
Mahalaga aniya na mapababa ang bilang ng mga nagugutom sa bansa.
“Tayo naman po sa gobyerno, ako, bilang Committee Chair on Health at bilang patuloy ninyong magiging tulay kay Pangulong Duterte, ay sisiguraduhin natin na dapat po walang magutom. Dapat po’y bigyan ng prayoridad ng gobyerno ‘yung pagbaba [ng bilang] ng nagugutom na mga kapwa nating Pilipino,” dagdag ng senador.
Tiniyak ni Go na doble-kayod ang ginagawa ng pamahalaan para para masigurong muling maibabangon ang ekonomiya ng bansa habang tinutugunan ang problema sa COVID-19 pandemic.
Unti-unti na aniyang binuksan ang ekonomiya para unti-unti ay maibalik rin sa normal ang buhay ng mamamamyan.
“Sa ngayon naman ay dahan-dahan na nating binubuksan ang ekonomiya. Ginagawa natin ang lahat para maibalik ang normal na pamumuhay at maibigay pa rin sa taumbayan ang pangako ng Pangulo na mas komportableng buhay para sa bawat Pilipino,” dagdag ni Go.
Hinimok ni Go ang pamahalaan na tutukan ang tatlong mahahalagang bagay para sa recovery.
Una ay ang pagtugon sa kahirapan at kagutuman, ikalawa ay pagtiyak na may sapat at epektibong bakuna at ikatlo ay ang pagbuhay muli sa ekonomiya sa pamamagitan ng paglikha ng trabaho at pagkakaloob ng livelihood opportunities.
“Ipaglalaban ko ang tatlong importanteng mga adhikain na ito sa loob at labas ng Senado — ang pagsugpo sa gutom; ang pagkakaroon ng sapat, ligtas, at epektibong bakuna; at ang pagpapalakas ng ekonomiya at kabuhayan ng bawat Pilipino,” ayon pa kay Go.
Nakikipag-ugnayan na aniya ang kongreso sa economic managers ng gobyerno para mapag-aralan kung kailangang magpasa ng Bayanihan 3 law .
Makatutulong kasi aniya ito sa mga negosyong nalugi at nagsara at makatutulong sa mga nawalan ng trabaho.
“Sa mga darating na araw po ay pinag-aaralan natin na sana po ay magkaroon ng Bayanihan 3. Mas matutugunan po dito ‘yung mga nagsara na mga negosyo para makatulong po sa ating mga kababayan,” dagdag ng senador.
Patuloy naman ang paalala ni Go sa mga mamamayan na sundin ang health protocols upang maiwasan na ang paglaganap pa ng COVID-19.
“Huwag po muna tayo magkumpyansa dahil ang mga simpleng mga patakaran na ito ay kayang makapagligtas ng buhay ng ating kapwa. Gawin natin ito hindi lamang alang-alang sa sarili natin kundi para na rin sa ating mga mahal sa buhay. We heal as one people. We recover as one nation,” sinabi ni Go.