FDA binalaan ang publiko sa pekeng Diatabs, Solmux, Ponstan at Neozep nakakalat sa merkado
Binalaan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko hinggil sa pagkalat sa merkado ng mga pinekeng branded na gamot.
Kabilang dito ang mga sumusunod na gamot na madalas na nabibili lang over-the-counter:
– Mefenamic Acid (Ponstan) 500mg Tablet
– Loperamide (Diatabs) 2mg Capsule
– Carbocisteine (Solmux) 500mg Capsule
– Phenylephrine HCI Paracetamol (Neozep Forte) 10mg/2mg/500mg Tablet
Ayon sa FDA, ang pekeng Ponstan 500mg Tablet ay may nakaukit na letra sa tableta at hindi tugma sa rehistradong brand ng gamot.
Ang pekeng Diatabs naman ay iba ang logo, security mark, at kulay at itsura ng gamot kumpara sa rehistradong brand nito.
Ang pekeng Solmux ay iba din ang logo, security mark at itsura, gayundin ang pekeng Neozep.
Pinayuhan ng FDA ang publiko na maging mapanuri sa bibilhing gamot.
Ang mga establisyimento naman ay inabisuhan na huwag magbenta ng mga pekeng gamot na nagtataglay ng nasabing mga katangian.
Hinimok din ng FDA ang mga lokal na pamahalaan na gumawa ng hakbang para tiyaking hindi nakapagbebenta ng pekeng mga gamot sa kanilang nasasakupan.