“FAKE NEWS SA GOBYERNO, SINO PA BA ANG ATING AASAHAN?” – sa LAHAT MAY TAMA ni Ricky Brozas

“FAKE NEWS SA GOBYERNO, SINO PA BA ANG ATING AASAHAN?” – sa LAHAT MAY TAMA ni Ricky Brozas

“PAUBAYA” – ‘di yata akma ngayong malawakan ang epekto ng mga kalamidad sa bansa, lalo na sa mga winasiwas ang mga bahay at pinalubog sa baha ang mga pananim at ari-arian sa mga lalawigan ng Quirino, Isabela, Cagayan at kung saan-saan pa.

Kay sarap sanang namnamin ng awitin na iyon ni Moira dela Torre, pero walang time para mag-emote ang mga sinalanta, abala sila sa pilit na pagsalba sa mga gamit na mapakikinabangan pa at pumila sa rasyon at ayuda.

Mas bagay yata ang “Paubaya” sa tila palaging magka LQ (Love Quarrel) na sina Pangulong Rodrigo Duterte at Bise-Presidente Leni Robredo. Pero, wala sa kampo nila ang gustong magpa-ubaya, patol lang sa isyu hangga’t kaya, partida sa gitna pa yan ng pagtugon sa epekto ng kalamidad ha?! …resulta, nauwi na political issue ang reponde sa mga biktima ng unos ng bagyong Ulysses, nakakaloka!

Ang masaklap, fake news ang muling pinag-ugatan ng bangayan ng dalawa. Sabi ni VP Leni, di siya ang may pakana sa #NasaanAngPanguloMovement na ikinapikon ni Duterte.

Humingi naman ng dispensa ang mga alyado ng Malakanyang pero pikon na rin ang ale. Sambit niya, simula pa lamang ng sumama siya sa gabinete hanggang ngayon ay pawang “false Information” ang ipinararating ng mga “fake news” peddlers na nakapaligid sa Pangulo.

Dios mio mahabagin!, sa dinami-dami ng mga paraan para iberipika ang impormasyon, lalo pa kung ang defense Secretary ang pinanggagalingan nito, aba’y kabahan na tayo. Pano tayo magkukumpiyansa na kaya nating ipagtanggol ang soberanya ng bansa kung yung mismong pinuno nito ay nadadale ng maling impormasyon?

Diba, Standard Operating Procedure ang katagang “There’s no room for error” sa departamento na ang pangunahing tungkulin ay ipagtanggol ang bansa laban sa mga mananakop? Kumbaga, mataas ang expectations natin sa kanila!

Diba kayo nahihiya sa Pangulo na inilalagay niyo sa balag ng alanganin? Dapat factual Information, walang labis, walang kulang ang ilalatag niyo sa presidente para sigurado ito sa kanyang mya bibitawang impormasyon sa publiko, lalo pa at pagtugon sa kalamidad ang pag-uusapan.

Di tuloy makapaniwala ang bise Presidente kung bakit nasasangkot ang gobyerno sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon-na isa nang lumalalang problema sa bansa.

Muli, walang katotohanan ang balita na ginamit ni Robredo ang C-130 ng Philippine Airforce para maghatid ng tulong sa mga sinalanta ng bagyo sa Cataduanes.

Sa puntong ito, malinaw na maliban kay Robredo ay biktima din ng fake news ang Pangulo.

Hindi ito katanggap-tanggap sa taumbayan na umaasa ng tamang impormasyon mula pa din naman sa pinakamatataas na pinuno at opisyales ng bansa.

Maging huwaran sana kayo ng katotohanan, dahil mas higit na ipinauubaya sa inyo ng mamamayan ang katotohanan, dahil kapag di tayo pumanig sa katotohanan, lahat tayo ay tatamaan!

 

 

 

 

admin

admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *