DBM may nakahandang P23B na pondo para sa expanded SAP ayon kay Sen. Bong Go
Mayroong nakahandang P23 billion na pondo ang gobyerno para makapagpatupad ng panibagong round ng tulong sa mga maaapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Kinumpirma ni Senator Christopher “Bong” Go na inirekomenda na ng Department of Budget and Management (DBM) na makapagbigay ng tulong sa mga maaapektuhan ng ECQ.
“In kind” ayon kay Go ang rekomendasyon na tulong ng DBM.
“Mayroon pa silang (DBM) nakitang about P23 billion na pwedeng pagkunan ng pondo for the new SAP (Social Amelioration Program). I think ang rekomendasyon nila ay in kind ito,” pahayag ni Go sa Laging Handa Public Briefing.
Sinabi ni Go na kasama din sa rekomendasyon ng DBM ay kung ang tulong ay ibigay per family, per household, o per individual.
Kasama ding pagpapasyahan ay kung ang local government units o ang Department of Social Welfare and Development ang mamamahala sa sistema ng pamimigay.
“Hintayin na lang natin ano magiging desisyon ng Pangulo,” ayon pa kay Go.
Ang mga mabibigayn ng tulong ay ang mga apektado ng ECQ sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.