ERC pinakikilos sa posibleng brownout sa eleksyon
Nanindigan sina Senador Win Gatchalian at Risa Hontiveros na hindi katanggap-tanggap ang pagwawalang-bahala ng mga opisyal ng Department of Energy (DOE) na maiwasan ang pagkakaroon ng rotational brownout sa eleksyon.
Sa gitna ito ng pahayag ng DOE ang posibilidad ng manipis na suplay sa panahong isasagawa ng 60 milyong mga Pilipino ang pagboto ng mga bagong liderato sa lokal at pambansang antas.
Sinabi ni Gatchalian na ang tanging trabaho ng DOE ay tiyaking meron tayong kuryente mula umaga hanggan gabi kaya’t di katanggap tanggap kung hindi pa nila ito magagawa.
Sinabi naman ni Hontiveros na nakababahala ang sinasabing pwedeng numipis ang suplay ng kuryente sa halalan dahil indirect threat ito sa canvassing ng boto sa Mayo.
Iginiit ng senador na hindi dapat naglalabas ng ganitong pahayag ang DOE.
Kasabay nito, sinabi ni Hontiveros na dapat magkaroon ng refund sa mga electric consumers.
Ipinaliwanag ng senador na nasa P12.32 biyon ang kinita ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at Manila Electric Co (Meralco). (Dang Garcia)