Engrandeng kasalan idinaos sa Davao City; 1 sa mga dumalo nagpositibo sa COVID-19
May idinaos na engrandeng kasalan sa Davao City sa kasagsagan ng pag-iral ng community quarantine.
Ang ikinasal ay mula sa dalawang kilalang pamilya sa Davao City at dinaluhan ng maraming bisita ang okasyon.
Pero ayon sa Davao City government, isa sa mga dumalo sa kasalan ang nagpositibo sa COVID-19.
Dahil dito nagsasagawa na ng contact tracing ang City Government sa lahat ng nakasalamuha ng nasabing pasyente.
Iniutos ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte, ang agarang pagsasagawa ng contact tracing para maiwasan ang paglaganap pa ng sakit.
Sa kaniyang pahayag sa Davao City Disaster Radio sinabi ni Mayor Sara na inakala ata ng mga tanyag na pamilya na sila ay hindi sakop ng batas kaya nagawa nilang mag-party.
Sa ilalim ng Section 5 at 7 ng Executive Order No. 25 ni Mayor Sara ang mga private party ay dapat mayroon lamang guests na hindi lalagpas sa 25.