EDSA Carousel Bus Augmentation ilulunsad sa MRT-3 Holy Week Maintenance Shutdown
Ikinakasa na ng pamunuan ng MRT-3, katuwang ang Department of Transportation (DOTr) Road Sector, ang EDSA Bus Carousel Augmentation Program, upang umayuda sa mga regular na pasahero ng linya sa gitna ng maintenance shutdown ng rail line ngayong darating na Holy Week.
Magtatalaga ng mga Public Utility Bus (PUB) mula alas 5:00 ng umaga hanggang alas 10:00 ng gabi sa Marso 30, 2021 hanggang sa April 4, 2021.
Tiniyak ni MRT-3 Director for Operations Michael J. Capati na may sapat na bilang ng mga bus na babiyahe para maghatid ng mga pasahero sa kanilang destinasyon sa ruta ng MRT-3.
Ipatutupad ang tigil-operasyon sa buong linya ng MRT-3 upang magbigay-daan sa taunang masinsinang maintenance rehabilitation activities ng rail line.
Kabilang sa mga aktibidad na ito ang pagpapalit ng mga turnouts, paglalagay ng mga point machine, at pagkakabit at realignment ng mga CCTV units sa mga istasyon ng linya.
Magbabalik-operasyon ang MRT-3 sa publiko sa Lunes, April 5, 2021.