ECQ protocols muling ipatutupad sa mga simbahang sakop ng Manila Archdiocese hanggang August 14
Ipinag-utos ni Bishop Broderick Pabillo na ibalik ang pagpapairal ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) protocols sa mga simbahang sakop ng Manila Archdiocese.
Kasunod ito ng mga panawagan ng grupo ng mga medical frontliner na ibalik ang pag-iral ng ECQ sa Metro Manila dahil sa marami na sa kanilang hanay ang pagod na at apektado na ng COVID-19.
Sa inilabas na Pastoral Instruction ni Pabillo, nakasaad na ang COVID-19 infection ay umabot na sa 5,000 kada araw at mahigit 2,000 na ang nasawi.
Ayon sa pahayag, diringgin ng simbahan ang panawagan ng grupo ng frontliners na humihiling ng “time out” at pagpapairal ng 2 linggong ECQ sa Metro Manila.
Dahil dito, lahat ng Simbahan, Shrine sa ilalim ng Archdiocese of Manila ay babalik sa ECQ mula August 3 hanggang August 14.
Magpapatuloy naman ang online religious activities sa mga simbahan.
Habang umiiral ang ECQ protocols ay muling susuriin ang pagtugon ng simbahan sa pandemic at aalamin kung paanong mapagbubuti pa ito.
Umapela si Pabillo sa publiko na paigtingin pa ang pagdarasal at isama sa panalangin ang mga frontliner at mga maysakit.