Duterte-Duterte tandem sa 2022 mapanganib hindi lang sa Pilipinas; magdudulot di ng kasiraan sa International Community ayon sa isang political analyst
Maituturing na legal sakali mang tumakbo bilang presidente at bise presidente ang mag-amang Pangulong Rodrigo at Sara Duterte dahil walang restriksyon dito sa ilalim ng Saligang Batas subalit ang resulta nito ang syang magdudulot ng panganib at kasiraan sa bansa gayundin ay magdadala ng negatibong impresyon sa international community, ayon sa isang political analyst.
Sinabi ni University of the Philippines Professor at batikang political analyst na si Mon Casiple na tiyak na pagpipiyestahan sa buong mundo ang Pilipinas kapag nangyari ang Duterte-Duterte tandem, malinaw aniya na isa na itong pagpapairal ng monarchy na hindi pa nangyari sa isang democratic na bansa sa buong mundo.
“Isang ploy man o hindi ang pagpapalutang nito, para sa aking pananaw ay hindi dapat ituloy ang tandem na ganito na mag-ama ang hahawak ng pinakamataas na posisyon sa gobyerno. Hindi ko sinasabi na bawal ito kundi dahil hindi ito kanais-nais at taliwas sa kultura ng Pilipinas at maging sa buong mundo,” paliwanag ni Casiple.
Aniya, ang naging katanggap-tanggap na sa mga nakaraang eleksyon ay “one after the other” na pagkapangulo gaya ng nangyari sa kaso nina dating Pangulong Macapagal Arroyo at yumaong Pangulong Noynoy Aquino na sinundan ang yapak ng kanilang mga magulang pero hindi ang magkasabay gaya ng planong Duterte-Duterte sa May 2022.
Inihalimbawa ni Casiple ang kaso ng nepotism sa mga opisina na ipinagbabawal dahil na rin sa kakaibang impluwensiyang maibibigay ng kamag-anak at lalo na umanong magiging kontrobesiyal kung ipipilit ni Pangulong Duterte na sabayan ang pagtakbo ng kanyang anak sa darating na eleksyon.
“May danger yan, magiging iba na ang tingin sa atin ng ibang bansa dahil monarchy na ang iiral sa Pilipinas. Yung highest power ay kotrolado na ng iisang pamilya,” dagdag pa nito.
Samantala kumbisido si Casiple na tatakbo sa presidential race si Davao City Mayor Sara Duterte, aniya hindi man kumpirmahin pa ng alkalde ang kanyang plano sa 2022 election ay ito na ang kanyang ipinahihiwatig sa pag-iikot sa mga lalawigan.
Aniya, noon pang nakaraang taon malinaw ang aksyon ni Mayor Sara na may plano ito sa 2022 election at ang pag-iikot nito ay simula na ng kanyang pagpapakilala.
Matatandaan na una nang nilinaw ng kampo ni Mayor Sara na Hugpong ng Pagbabago na hindi pamumulitika ang ginagawa nitong kunsultasyon sa iba ibang partido at pulitiko ngunit hindi ito kinagat ng kanilang mga kritiko isa na ang ACT Teachers Partylist na nagsabing “action speaks louder than words” at inakusahan ang alklade na guilty sa early campaigning.
Ang pag-iikot ni Mayor Sara ay pinuna sa harap na rin ng patuloy na paglobo ng COVID cases sa Davao, sa pinakahuling datos ng Octa Research at Department of Health na may petsang Hulyo 17 ay nakakapagtala pa rin ng 225 kaso kada araw sa Davao City habang umabot na sa 96% ang hospital Intensive care unit utilization rate.
Ang Davao City ang may pinakamataas na COVID cases kung ihahambing sa malalaking siyudad sa bansa mataas pa ito kaysa sa Quezon City(116), Cebu (98), Iloilo(88), Bacolod(87, Manila (86) at Makati (63).