Driver ng Victory Liner, 3 iba pa nadagdag sa kaso ng COVID-19 sa Cagayan
Isang driver ng Victory Liner at tatlong iba pang residente ang panibagong nadagdag sa kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Cagayan.
Batay sa datos ng Provincial Health Office (PHO), ang cargo driver ng Victory Liner na si patient CV 418 ay isang 32-anyos na lalaki, may asawa at residente ng Bagay, Tuguegagaro City.
Sa Facebook post ng Cagayan Provincial Information Office, bumiyahe ito ng balikan mula Tuguegarao City papuntang Manila ng July 21 hanggang July 23.
Nabatid rin na nagkaroon ng exposure sa isa lang COVID-19 patient ang driver.
Wala itong nararanasang sintomas ng virus at naka-home quarantine.
Samantala, isang OFW naman mula Saudi Arabia si patient CCV 420, na edad 43 na lalaki, may asawa at taga-Linao East, Tuguegarao City, Cagayan.
Dumating ito sa NAIA noong July 25 at umuwi sa Tuguegarao City ay nitong August 5.
Asymptomatic ang lalaki at nasa quarantine facility sa demo farm sa Libag Sur, Tuguegarao City.
Si CV 421 na isa ring OFW mula Saudi Arabia ay kasabay sa bus ni CV 420 nang umuwi sila ng Cagayan.
Siya ay 40 anyos na ginang at residente rin ng Linao East, Tuguegarao City, Cagayan.
Mula naman sa Nabbialan, Amulung, Cagayan ang Locally Stranded Individual (SLI) mula Quezon City si CV 419.
Isa itong 51 anyos na lalaki at may asawa. Dumating siya sa Amulung nito lamang August 4, na-swab test at nagpositibo kahapon, August 7.
Dahil sa apat (4) na bagong kaso umabot na sa 44 ang active positive cases sa Cagayan.
Sumampa naman na sa 173 ang total confirmed cases.