DOH nagbabala sa publiko na huwag basta bumili ng gamot na Lianhua Qingwen
Nagbabala ang Department of Health o DOH sa publiko ukol sa bentahan ng Chinese medicine na Lianhua Qingwen.
Sa kanyang virtual press briefing, sinabi ni Health Usec at Spokesperson Ma. Rosario Vergeire na marami siyang nakikitang nagbebenta ng naturang gamot “online.”
Paalala ni Vergeire, ang Lianhua Qingwen ay dapat sa mga botika lamang binibili.
Giit pa ng opisyal, kailangang “prescribed” o may reseta mula sa doktor bago makabili ng nabanggit na Chinese medicine.
Ayon pa kay Vergeire, ang sinumang mahuhuli at mapapatunayang nagmamanipula ng presyo ng Lianhua Qingwen at nagho-hoard ng nasabing gamot ay mananagot sa batas.
Nauna nang kinumpirma ng Food and Drug Administration o FDA na aprubado ba ang Lianhua Qingwen bilang “traditional Chinese medicine” para sa lagnat at lung toxins.
Pero, hindi sinasabi ng FDA na ito ay lunas sa COVID-19 sa kabila ng pahayag ng China na ito ay panggamot sa mild at moderate cases ng COVID-19.