DOH itinangging pabago-bago ang kanilang polisiya sa paggamit ng face shield
Itinanggi ng Department of Health (DOH) na paiba-iba amg kanilang pahayag patungkol sa pagsusuot ng face shields.
Sa virtual press briefing itinanggi ni DOH spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire na nagkakaiba ng pahayag ang mga opisyal ng DOH tungkol sa pagsusuot ng face shield.
Ani Vergeire malinaw ang naging pahayag ni Usec. Leopoldo Vega na pwedeng tanggalin ang face shield kapag nasa labas o wala sa kulong na lugar.
Ganito din aniya ang pahayag ni Health Sec. Francisco Duque III.
Paliwanag ni Vergeire, malinaw ang polisiya ng pamahalaan tungkol sa pagsusuot ng face shield na nakasaad sa Joint Memorandum Circular.
Sa nasabing circular mayroon aniyang probisyon na nagsasabing kapag nasa indoor ay talagang dapat nakasuot ng face shield.
Nakasaad din sa circular na kapag nasa mga lugar na hindi kayang i-maintain ang 1-meter physical distance ay dapat pa ding isuot ang face shield.
Kahit outdoor ayon kay Vergeire pero crowded ay kailangang mayroong face shield.
Ani Vergeire, nakasaad din naman sa circular ang mga exemptions.
Kabilang aniya dito kung ang isang tao ay naglalakad lang ng mag-isa at kung nagbibisikleta. (Dona Dominguez-Cargullo)