DOH, DOST patuloy ang recruitment para mabuo ang 15,000 participants sa WHO Solidarity Trial
Kinakailangang makumpleto ang 15,000 na participants para sa World Health Organization (WHO) Solidarity Trial na gagawin sa Pilipinas para sa bakuna kontra COVID-19.
Paliwanag ni Department of Health o DOH Usec. At Spokesperson Ma. Rosario Vergeire, ang required number ito ng WHO.
Sinabi ng DOH na kung hindi makukuha ang 15,000 partipants ay baka magkaroon ng delay sa trial.
Sa ngayon ay ginagawa na ng DOH at Department of Science and Technology (DOST) ang lahat ng makakaya upang makapag-recruit ng mga participant.
Kailangan din aniya ng pamahalaan ang tulong ng mga lokal na pamahalaan at medical societies upang makakuha ng mas maraming volunteers para sa WHO Solidarity Trial.
Ang pagkuha naman sa participants ay rolling o hindi isang bagsakahan, ani Vergeire. Habang nagsasagawa ng trial ay maaari aniyang mag-recruit o magdagdag ng participants.
Sinabi ni Vergeire na hinihintay na lamang nila ang final protocols at final date mula sa WHO para sa isasagawang trial.
Nauna nang inanunsyo ng DOH na ang WHO Solidarity Trial para sa COVID-19 vaccine ay posibleng masimulan ngayong Enero.