Disqualification case vs BBM maituturing nang paso
Maituturing nang paso ang petisyon na inihain para kanselahin ang Certificate of Candidacy (CoC) ni 2022 presidential candidate at dating senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Ito ay kung pagbabasehan ang naging pasya noon ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio T. Carpio sa “Ty-Delgado v. HRET” case.
Batay sa nasabing desisyon ng SC, ang disqualification case na inihain dahil sa conviction ng kandidato sa krimen sangkot ang usapin hinggil sa “moral turpitude” ay dapat mapapaso na limang taon pagkalipas mapanilbihan ang sentensya sa ilalim ng Section 12 ng Omnibus Election Code.
Sa kaniyang desisyon, pinagbasehan ni Carpio ang Teves vs. Comelec sa computation ng nasabing disqualification. Ayon kay Carpio dahil napanilbihan na ng pulitiko ang kaniyang sentensya nang mabayaran niya ang multa noong February 17, 2011, ang five-year period ay nagtapos na ng February 16, 2016.”
Nabatid na si Marcos ay nakapagbayad na ng kaniyang fine noong December 2001.
Dahil dito, kung susundin ang SC ruling tapos na ang five-year disqualification period kay Marcos.
Malinaw rin sa 1997 tax case na dininig ng Court of Appeals na ang mga nakahabla laban kay Marcos ay hindi tungkol sa hindi pagbabayad ng buwis, kundi “failure to file an income tax return”.
Sa panahong iyon, napagpasiyahan ng SC sa kaso ng Republic of the Philippines v. Marcos na hindi maaaring madiskwalipika si Marcos dahil hindi naman siya nagkasala sa krimeng may kinasasangkutang moral turpitude.
Sinabi ng SC na ang kabiguang maghain ng income tax return ay hindi krimeng patungkol sa moral turpitude. (DDC)