Diskwento sa mga bakunado aprubado na sa Caloocan
Inaprubahan na ng Sangguniang Panlungsod ng Caloocan ang resolusyong hihikayat sa mga business establishments na magbigay ng diskwento sa mga fully vaccinated individual.
Pinagtibay ng Sanggunian ang Proposed Resolution no. 11-570 na inihain ni Coun. Orvince ‘ConVINCEd’ Howard Hernandez kasama sina Couns. Vincent Ryan Malapitan at Majority Leader Edgardo Aruelo.
Alinsunod sa resolusyon, hinihikayat ang mga local business na magbigay ng diskuwento sa mga produkto at serbisyo sa mga nakakumpleto na ng bakuna laban sa COVID-19.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Hernandez na noon pang Marso nagsimula ang lokal na pamahalaan sa pagbabakuna sa mga residente ng lungsod upang unti-unting maibalik sa normal ang pamumuhay.
Sa loob ng apat na buwan, salaysay pa ni Hernandez, halos kalahating milyon pa lamang ang nabakunahan mula sa 1.1 milyong Caloocano.
Sa kasalukuyuan, may iilang business establishments na ang kusang-loob na nagbigay ng diskuwento sa mga bakunadong customer.
Subalit aminado ang Milenyal na Konsehal na kailangan pa ng ibayong pagsisikap upang mas marami pa ang mahikayat na magpabakuna gayundin ay upang bumalik sa 2nd dose ang mga nabigyan na ng 1st dose.
“Sa aming Facebook account ay isa-isa rin naming pinagsasalita o pinagagawa ng video ang ilang SK Chairmen, Barangay Officials o HOA officers upang makahiyakat ng mga kababayan sa pagpapabakuna,” pahayag pa ng Konsehal.
Nilinaw naman ni Hernandez na hindi oobligahin ng lokal na pamahalaan ang business establishments sa takdang diskwentong ibibigay at sa halip ay hihikayatin silang gumawa ng sariling gimik.
Pagkakataon na rin aniya ito para obligahin ng mga may-ari ng negosyo ang kanilang manggagawa para magpabakuna lalo na ang mga itinuturing na essential workers.
“Kumbinsido kami na sa bakuna taob ang pandemya, kaya dapat ay maging kumbinsido rin naming kayo,” ayon pa kay Hernandez.