DepEd humihingi ng public apology mula sa World Bank
Humihingi ng public apology ang Department of Education (DepEd) sa World Bank kasunod ng inilabas nitong report na nagsasabing mahigit 80 percent ng mga estudyante sa Pilipinas ang hindi alam kung ano ang matututunan nila sa paaralan.
Sa virtual press briefing ng Malakanyang sinabi ni Education Sec. Leonor Briones na hindi sumunod sa protocol ang World Bank sa ginawang paglalabas ng report.
Lumang datos aniya ang pinagbasehan ng World Bank sa report at hindi ikinunsidera ang mga inisyatiba ng DepEd sa education reform.
Dapat aniyang maglabas ng public apology ang World Bank dahil pang-iinsulto sa bansa ang ginawa nito.
Sa report ng World Bank noong nakaraang linggo nakasaad na 80 percent ng mga mag-aaral sa Pilipinas ang mas mababa sa minimum proficiency levels.
Ibinase ang ulat sa naging score ng Pilipinas sa 2018 Program for International Student Assessment (PISA), 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) at 2019 Southeast Asia Primary Learing Metrics (SEA-PLM). (Dona Dominguez-Cargullo)