Death Penalty hindi sagot sa krimen – CBCP
Nanindigan ang pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na hindi makalulutas sa paglaganap ng kriminalidad ang parusang kamatayan.
Sa halip, matapat na pagpapatupad ng batas at hindi nasusuhulang mga otoridad ang makapagpapatigil sa mga kriminal.
Ang pahayag ni Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, ay tugon sa apela sa kongreso ng Pangulong Duterte na muling isabatas ang death penalty sa pamamagitan ng lethal injection para sa mga mahuhuling lalabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Naniniwala ang pari na hindi tugon sa kriminalidad ang pagsusulong ng parusang kamatayan sa bansa kundi ang maayos na pagpatupad ng mga batas at maayos na sistemang pangkatarungan ang nararapat na isulong sa pagsugpo ng krimen sa bansa.
Iginiit ng pamunuan ng Simbahan na hindi mababago ang panindigan ng simbahan laban sa death penalty dahil isinusulong at itinataguyod ng simbahan ang kasagraduhan ng buhay ng tao sa kabila ng pagiging makasalanan. (END)