Dalawang police station, binuksan sa Maynila
Pormal na inilunsad ngayong Miyerkules, ika-2 ng Setyembre, ang dalawang bagong police station sa Lungsod ng Maynila.
Pinangunahan ni Manila City Mayor ‘Isko Moreno’ Domagoso ang pagbubukas ng Police Station 12 sa Delpan at Police Station 13 sa Baseco.
Ani Domagoso, ang pagpapatayo ng bagong mga istasyon ay upang mas mapatibay ang anti-criminality campaign ng pamahalaan.
“Iyong Baseco ay matagal nang napapabalita at nabalita na challenging area. Kinuha ng mga talipandas na kriminal ang pagkakataon ng kahinaan ng mahihirap nating kababayan. They took the oppotunity of the situation to govern among themselves in that particular community,” ani Domagoso.
“We will govern, you will govern the most challenging community in our city. Naniniwala ako kaya kayo nasa MPD, kayo ay mapagmalasakit, tapat at makatwirang magpapatupad ng kaayusan, kapayapaan at kapanatagan ng bawat Batang Baseco, Batang Isla Puting Bato at Batang Parola,” dagdag niya.
Pakiusap ng Alkade sa kapulisan, huwag abusuhin ang paggamit ng armas para sa personal na interes habang nilalabanan ang kriminalidad sa lungsod.
Direktiba ni Domagoso, ubusin ang mga kriminal sa Delpan at Baseco area na patuloy na umaabuso sa kahinaan ng publiko. Aniya, walang puwang ang mga masasamang tao sa Lungsod ng Maynila.
“Hayaan natin na ang mga susunod na bata lumaking kahit mahirap, ay maaliwalas at panatag ang pamumuhay sa west side of the city,” sabi ni Domagoso.
Sa kabilang banda, pinasalamatan ni Domagoso ang buong puwersa ng Manila Police District sa pagsisilbi sa Lungsod ng Maynila sa gitna ng banta ng COVID-19.
Kasama ni Domagoso sina Manila City Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan at MPD District Director BGen. Rolando Miranda sa nasabing programa.