Dalawa arestado sa Maynila dahil sa pagbebenta ng pekeng vaccination cards at swab test result
Dalawa arestado sa Maynila dahil sa pagbebenta ng pekeng vaccination cards at swab test result
Arestado ang dalawang katao sa paggawa at pagbebenta ng pekeng vaccination cards at pekeng negatibong swab test result.
Kinilala ang dalawang suspek na sina Jimmy Santisima at Edito Parr.
Ayon kay PNP chief Guillermo Eleazar, batay sa ulat na ipinarating sa kaniya ng Manila Police District (MPD), ikinasa ang operasyon sa isang tindahan sa Quiapo makaraang makatanggap ng ulat na nagbebenta dito ng pekeng vaccination cards at RT-PCR test result.
Sa ikinasang operasyon ay nadiskubre ng mga otoridad ang ang mga computer na ginagamit sa pamemeke ng mga dokumento at template para sa pekeng swab test results.
May natuklasan ding pekeng dry seal ng ilang universities at government agencies.
Ayon kay Eleazar, gumagawa din ang dalawang suspek ng ng pekeng birth certificates at marriage contracts.
Dinala sa MPD headquarters ang dalawa at nahaharap sa karampatang kaso.
Iniutos ni Eleazar ang agresibong kampanya laban sa mga gumagawa at nagbebenta ng mga pekeng vaccination cards at RT-PCR gayundin sa mga taong bumibili at gumagamit ng mga ito. (DDC)