Dagdag na bilyon pisong infra budget sa mga kongresistang kaalyado ni Velasco, ilaan na lang sa COVID vaccine cold storge facility – Health group
Nanawagan ang isang health group sa House of Representatives na ilaan na lamang sa pagpapatayo ng mga cold storage facilities para sa bibilhing COVID-19 vaccines ang bilyong infrastructure funds na isiningit sa 2021 national budget para paboran ang piling kongresista nang maupo bilang House Speaker si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Ayon kay Medical Action Group Chairperson Dr. Nemuel Fajutagana dapat bawasan ang pondo sa infrastructure ngayong 2021 dahil mas nangangailangan na pondohan muna ang COVID response ng pamahalaan, bukod sa bilyong halagang bibilhing bakuna ay bilyon din ang gagastusin para sa handling ng bakuna na nangangailangan ng minus 70 degree na storage facility.
“Maganda siguro bawasan ang budget for infrastructure sa mga congressional district and ipagpatayo ng cold storage facility. The thing is, you may be able to buy the vaccines but before they reach the communities, they are not effective anymore because of the problem on the cold chain” paliwanag ni Fajutagana.
Ayon kay Department of Health- (DoH) Disease Prevention and Control Bureau supervising health program officer Luzviminda Garcia, gagastos ng P3B para sa -70 degrees Celsius storage requirement sa COVID vaccine na gagamitin ng may 25M Filipino.
Inamin ni Garcia na ang pasilidad lamang na mayroon ang Pilipinas ay 8 degree hanggang -20 degree Celsius, malayo sa requirement na kailangan para sa COVID vaccine.
Sinabi ni Vaccinologist Melvin Sanicas na dapat manatiling frozen ang COVID vaccine para ito maging epektibo at kung hindi ito maitatago nang mabuti ay mawawala ang bisa nito.
Sa paghimay ng Senado sa 2021 budget ng DOH ay lumilitaw na walang nakapaloob na budget para sa cold storage facility at sa iba pang supply chain-related costs para sa bakuna.
“We need extra budget lang sa for the supply chain — from the storage to transportation, including iyong mga syringes and pati po yung training ng vaccinators. May expense din po iyan.We have to find a way to cover that because that is not in the budget,” pahayag ni Sen Pia Cayetano.
Maliban sa Medical Health Group ay una na ding nanawagan ang grupong Infrawatch PH sa Senado na harangin ang infrastructure allocations ng lahat ng mga congressional districts, ang pondong ito ay maaaring mailaan sa mas mahahalagang programa na pakikinabangan ng mas nangangailangang sektor lalo na sa disaster at COVID 19 pandemic response.
Sa paghimay ng Senado sa P667 Billion budget ng DPWH sa taong 2021 lumilitaw na P447B dito ay para sa mga congressional district,nasa P620M hanggang P15 Billion ang infrastructure projects ng bawat kongresista, nadiskubre din na mayroong mga double funding , overlapping projects sa mga distrito at biglaang insertions sa budget nang magpalit ng liderato sa Kamara at maupo si Velasco.
“Pagpalit ng liderato, napansin namin, halimbawa sa NEP (National Expenditure Program), yung isang distrito nasa mga P9 bilyon. Siguro medyo matibay yung distrito na yun, paglabas ng GAB, under the new leadership, umabot pa siya ng P15 billion. Merong distrito din na nasa P4 or P5 billion, paglabas ng GAB, nadagdagan pa ulit ng another P4 or P5 billion, naging halos P8 billion na. So nakakagulat talaga,” nauna nang pagbubunyag ni Sen. Panfilo Lacson.
Ilan sa tinukoy ni Lacson na may malaking infrastructure budget ay isang distrtito sa Davao na may P15.351B budget; sa Albay ay P7.5B, sa Benguet ay P7.9B habang sa Abra ay P3.75B.
Hindi tinukoy ni Lacson ang mga partikular na distrito subalit isa sa may hawak ng Distrito sa Davao ay si Davao Rep Paolo Duterte, sa 2nd District ng Albay ay si Joey Salceda, sa Abra ay si Lone District Rep. Joseph Bernos habang caretaker naman sa Benguet si ACT CIS Partylist Rep at House Appropriations Chairman Rep Eric Yap.