Czech Republic kasama na sa mga bansang sakop ng pinaiiral na travel restrictions ng pamahalaan
Isinama na ang bansang Czech Republic sa mga bansang sakop ng pinaiiral na travel restrictions ng pamahalaan bilang pag-iingat sa UK variant ng COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, epektibo alas 12:01 ng madaling araw ng January 28, 2021 hanggang January 31, 2021 ay hindi na papayagang makapasok sa bansa ang mga dayuhang pasahero galing ng Czech Republic sa nakalipas na 14 na araw.
Sinabi ni Roque na tatagal ang travel restrictions hanggang January 31, 2021.
Ang mga darating sa bansa bago mag-alas 12:01 ng madaling araw ng January 28 ay papayagan pa ding pumasok sa bansa.
Ang mga Filipino citizens na galing o dumaan sa Czech Republic, sa loob ng nakalipas na 14 na araw ay papayagan pa ding pumasok sa bansa.
Kailangan nilang sumailalim sa RT-PCR test upon pagdating sa bansa at sasailalim sa quarantine.
Pagsapit ng ikalimang araw nila sa quarantine area ay muli silang isasailalim sa RT-PCR test.
Ang magnenegatibo sa dalawang RT-PCR tests ay ie-endorso sa kanilang local government units kung saan nila tatapusin ang 14-day quarantine. (D. Cargullo)