Comelec, SolGen pinagkokomento ng SC sa poll protest ni dating Sen. Bongbong Marcos vs VP Robredo
Inatasan ng Korte Suprema ang Commission on Elections at Office of the Solicitor General na magkomento sa nakabinbing mga isyu kaugnay sa poll protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
May dalawampung araw ang Comelec at Solgen para magkomento.
Sina Marcos at Robredo naman ay binibigyan ng labing limang araw para maghain ng reply o tugon, sa isusumiteng komento ng Comelec at OSG.
Ang Korte Suprema ay tumatayong Presidential Electoral Tribunal o PET na dumidinig sa electoral protest ni Marcos laban kay Robredo.
Idineklarang panalo sa 2016 vice presidential race si Robredo, ngunit naghain ng protesta si Marcos dahil umano sa dayaan.
Inatasan din Korte Suprema ang Comelec na iulat sa Tribunal kung ang mga petisyon para sa “failure of elections” ay na-file sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao; at kung granted o denied ang mga resolusyon sa mga naturang petisyon.
Pati kung may special elections na ginawa sa mga lugar na idineklarang may failure of elections sa mga nabanggit na lalawigan at ang resulta ng special elections.
Ang resulta ng botohan sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao ang mga lalawigan ay matatandang pinaimbestigahan at pinapawalang-bisa ni Marcos sa PET, sa kanyang 3rd cause of action.
Inatasaan din ng Korte Suprema ang Comelec at Solgen na magkomento kung ang Tribunal ay empowered o binigayang-kapangyarihan ng Konstitusyon para ideklara ang annulment ng eleksyon nang walang special elections at ang failure of elections, o pagsasagawa ng special elections.
At kung ang deklarasyon ng Tribunal ng failure of elections at pag-uutos ng special elections ay labag sa mandato at kapangyarihan ng Comelec, sa ilalim ng Konstitusyon.