Close contacts ng Filipina na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 sa Hong Kong natukoy na ng DOH
Natukoy na ng Department of Health (DOH) kung sinu-sino ang mga nagkaroon ng close contact sa Filipina domestic helper na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 sa Hong Kong.
Ayon kay Health Usec at Spokesperson Ma. Rosario Vergeire, ang mga nagkaroon ng close contact sa pasyente ay nakita sa Solana, Cagayan at maging sa Maynila.
Sa dalawang lugar siya nanatili pansamantala bago lumipad patungong Hong Kong.
Ayon kay Vergeire ang mga natukoy na close contact ng Pinay ay sumailalim na COVID-19 RT-PCR swab test.
Kung mayroong magpopositibo sa resulta, dadalhin sila sa Philippine Genome Center para sa sequencing at upang matukoy kung mayroong tinamaan ng UK variant.