Chinese national nagpapanggap na doktor at nagbebenta ng mga gamot, arestado sa Lapu-Lapu City
Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese National na ilegal na nanggagamot at nagbebenta ng gamot sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Kinilala ang suspek na si Ke Liangpeng, na nagbebenta ng mga gamot na walang registration at otorisasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Ayon kay NBI Officer-In-Charge Eric Distor, ang operasyon ay ikinasa ng pinagsanib na pwersa ng Office of the Deputy Director for Regional Operations Service
(ODDROS), NBI-Central Visayas Regional Office – 7 (CEVRO-7) ats Food and Drug Administration (FDA) Visayas Cluster Office, kasama ng Lapu-Lapu City Police at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ang Lapu-Lapu City Police Field Office.
Nakumpiska sa bahay ng suspek ang kahon-kahong mga hindi rehistradong mga gamot na tinatayang aabot sa P10,000,000 ang halaga.
Nadiskubre din sa bahay ng suspek ang mga hospital beds na ipinagagamit ng dayuhan sa kaniyang mga pasyente na karamihan ay kapwa niya Chinese.
May nadatnan din ang mga otoridad na isang babaeng pasyente sa isa sa mga hospital bed na noon ay naka-IV pa.
Ayon sa dayuhang suspek, siya ay Medical Doctor sa China. Gayunman, wala itong naipakitang dokumento na magpapatunay nito.
Patung-patong na kaso ang kakaharapin ng dayuhan.