Calvin Abueva natapos na ang pagsailalim sa Professional Athlete’s Code of Conduct and Ethics seminar
Nakumpleto na ni Calvin Abueva ang pagsailalim sa Professional Athlete’s Code of Conduct and Ethics seminar.
Isa ito sa mga requirement para maibalik ang pro basketball license ni Abueva.
Ayon sa Games and Amusements Board (GAB), kinapalooban ng tatlong sessions ang online seminars na isinagawa noong Oct. 6, 8 at 14.
May hiwalay ding guidance session na dinaluhan si Abueva noong Oct. 11 bilang paghahanda sa kaniyang final assessment.
Sa inilabas na obserbasyon ng GAB, nakasaad na sa kasagsagan ng seminars, walang indikasyon ng aggression sa panig ni Abueva, wala ding senyales ng anxiety, hostility o irritability sa kaniyang panig.
Sa kanilang evaluation, sinabi ng GAB na sa simula ay tila nahirapan si Abueva na i-express ang kaniyang sarili gamit ang salitang Ingles o Tagalog.
Kalaunan ay napag-alamang Cabalen ang first language ni Abueva.
Bunsod ng nasabing mga development, ay inirekomenda na ang pagbabalik ng professional license ni Abueva pero sasailalim pa ito sa approval ng board.