BRP Cabra ng Coast Guard napaalis ang isang Chinese Navy Warship sa Marie Louise Bank
Matagumpay na napaalis ng Philippine Coast Guard (PCG) isang Navy Warship ng China na namataan sa Marie Louise Bank.
Ang Marie Louise Bank ay nasa 147 nautical miles mula sa baybay dagat ng El Nido, Palawan.
Sa ulat na natanggap ng PCG Command Center, na-monitor ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang isang ‘navy warship’ na may watawat ng People’s Republic of China at markado ng Chinese character.
Nagsagawa ng radio challenge ang BRP Cabra (MRRV-4409) habang mino-monitor ang galaw ng nasabing barko gamit ang radar.
Lumapit rin ang PCG vessel para mas maaninag ang aktibidad na isinasagawa ng Chinese Navy Warship sa katubigan.
Nang walang matanggap na verbal response, ginamit ng BRP Cabra (MRRV-4409), sa pangunguna ni Commander Erwin Tolentino, ang Long Range Acoustic Device (LRAD) para ipahatid ang verbal challenge sa Chinese Navy Warship.
Matapos nito, nagsimula ng gumalaw ang barko palabas ng Marie Louise Bank.
Sinundan ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang barko para masigurong lilisanin nito ang nasabing teritoryo na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Nang makitang humigit-kumulang 500 – 600 yarda o 0.25 – 0.30 nautical mile lang ang distansya ng BRP Cabra (MRRV-4409) sa kanilang barko, nagpahatid ng radio message ang Chinese Navy Warship:
“Philippine Coast Guard 4409, this is Chinese Navy Warship 189. Please keep two nautical miles distance from me,”
Sa kabila nito, nagpatuloy ang mahigpit na pagbabantay ng BRP Cabra (MRRV-4409) sa Chinese Navy Warship gamit ang ‘Rules on the Use of Force (RUF)’.
Ito ay hanggang sa tuluyang nakalabas ng Marie Louise Bank ang nasabing foreign state vessel na tumakbo sa bilis na 9.4 knots.
Ayon sa PCG, ang bawat desisyon at aksyon ng BRP Cabra (MRRV-4409) ay naka-base sa ‘PCG Manual on Rules on the use of force within the Philippines’ EEZ’.
Ito ay para masiguro na ‘RULES-BASED AND PEACEFUL APPROACH’ ang ginagamit sa pagtataguyod ng soberanya at pagpoprotekta sa karapatan ng Pilipinas at mga Pilipino sa katubigan.
Ang pagpapatrolya ng BRP Cabra (MRRV-4409) sa Marie Louise Bank at Kalayaan Island Group (KIG) sa Palawan ay bahagi ng misyon nito sa ilalim ng Task Force Pagsasanay.
Noong June 30, 2021, pinaalis din ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang limang ‘Chinese ship’ at dalawang ‘Vietnamese vessel’ na na-monitor sa Marie Louise Bank. (Dona Dominguez-Cargullo)