BRP Antonio Luna ng PH Navy nakadaong sa South Harbor sa Maynila
Nasa Pier 13 ng South Harbor sa lungsod ng Maynila ang BRP Antonio Luna (FF151).
Ayon sa Philippine Navy, ang BRP Antonio Luna ang pinakabagong Korean-made missile warship ng Pilipinas, at ito ang ikalawang Rizal-class frigate na nabili ng pamahalaan.
Sa idinaos na simpleng arrival ceremony para sa BRP Antonio Luna Biyernes (Feb. 26) ng umaga, si DPWH Sec. Mark Villar ang nagsilbing Guest of Honor and Speaker, kasama ang iba pang matataas na opisyal ng pambansang militar.
Ang naturang barko ay nauna nang dumaong sa Subic Bay sa Zambales bilang pagsunod sa mandatory quarantine period para sa mga crew nito.
Inaasahan naman ang pagbabasbas at commissioning para sa BRP Antonio Luna sa unang linggo ng Marso.
Tiwala naman ang Philippine Navy na makakatulong ang BRP Antonio Luna sa BRP Jose Rizal at iba pang assets ng gobyerno sa maritime defense o pagbabantay sa mga karagatan ng bansa, maging sa humanitarian assistance at disaster response operations.
Ang BRP Antonio Luna ay mayroong anti-submarine, anti-surface at anti-air capabilities, ayon sa Philippine Navy.