BOC nag-donate ng tents sa DSWD
Nagkaloob ng tent ang Bureau of Customs sa Department of Social Welfare and Development para sa relief and humanitarian effort ng ahensiya sa panahon ng pandemic.
Ayon kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, ang 12 tents na binigay sa DSWD ay bahagi ng mga inabandonang produkto sa BOC noong 2019 sa Port of NAIA.
Kinabibilangan ito ng 10 Emperor Bell Tents na may sukat na 6 x 4x 2.5 meters na maaaring silungan ng hanggang 10 tao, at mananatiling matatag kahit masungit ang panahon.
Bukod rito ay may dalawa pang stretch tents na may sukat na 12 x 9 meters na maaaring magsilbi bilang mobile command centers, clinics or infirmaries.
Ang dalawang malalaking tent ay maaaring buuin o itayo sa loob ng 15 minuto at makakayang itiklop sa loob ng sampung minuto.
Ang mga donasyong tent ay maaaring magamit sa panahon ng kalamidad, social works at laban sa pandemic.
Tinitiyak ni Guerrero na tuluy-tuloy ang pagtulong ng BOC sa mga programa ng pamahalaan laban sa COVID-19 at iba pang kalamidad.