Biyahero mula UK dumating sa bansa, nagpositibo sa COVID-19
Sa gitna nang pinangangambahang panibagong variant ng COVID-19 sa United Kingdom, sinabi ng Department of Health (DOH) na mayroong biyahero mula sa UK ang dumating sa bansa at nagpositibo sa sakit.
Pero ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, hindi pa tiyak kung ang COVID–19 na tumama sa biyahero ay bagong variant.
Sinabi ni Duque na ang pasyente ay kabilang sa 79 na biyahero na dumating sa Pilipinas galing UK mula nnoong December 22.
Sa 79 na biyahero, 72 ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), habang ang 7 ay dumating sa Clark International Airport.
Dalawa sa kanila ay nakabalik na sa UK habang 77 pa ang nasa bansa.
Lahat sila ay isinailalim sa COVID-19 test at 59 dito ang may resulta na kung saan, 1 nga ang positibo ayon kay Duque sa pulong ng Inter-agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases.
Ayon kay Duque, magsasagawa pa ng pagsusuri ang mga eksperto mula sa Philippine Genome Center upang matukoy kung bagong variant ang COVID-19 na tumama sa pasyente.