Binabantayang LPA ng PAGASA sa Surigao City posibleng maging ganap na bagyo
Hindi inaalis ng PAGASA ang posibilidad na maging ganap na bagyo ang Low Pressure Area (LPA) sa bahagi ng Surigao City.
Alas 10:00 ng umaga ngayong Biyernes, April 8 ay namataan ang LPA sa layong 375 kilometers East ng Surigao City.
Nakapaloob ang LPA sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na nakaaapekto sa Visayas at Mindanao.
Sa susunod na 24 na oras, sinabi ng PAGASA na ang LPA ay magdudulot ng katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan sa Catanduanes, Albay, Sorsogon, Eastern Visayas, Surigao del Norte, Agusan del Norte, northern portion ng Surigao del Sur, at Dinagat Islands.
Mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa southern portion ng Quezon, Romblon, Marinduque, at sa nalalabing bahagi ng Bicol Region, Visayas, at Mindanao.
Ayon sa PAGASA, maaring makaranas ng pagbaha at rain-induced landslides sa mga lugar na uulanin dahil sa LPA. (DDC)