Bilang ng health care workers sa PGH na nagpabakuna laban sa COVID-19, lumagpas sa target
Labis na ikinatuwa ng pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) ang naging turnout o bilang ng mga nagpabakuna ngayon araw sa ginanap na symbolic vaccination.
Ayon kay Dr. Gap Legaspi, ang direktor ng PGH, hindi nila inaasahan na aabutin ng 100 ang magpapabakuna.
Katunayan ayon kay Legaspi, naghanda lamang sila ng 20 hanggang 50 doses ngayong araw kasunod nang isinagawa nilang survey na 10 porsyento lamang ang nais magpabakuna ng Sinovac.
Gayunman sinabi ni Dr. Homer Co, in-charge sa Micro Planning, na inaasahang mas marami ang magpapabakuna kaya ginawa nilang 100 ang doses.
Magkagayunpaman, sinabi ni Dr. Legaspi na ititigil na nila ang vaccination sa 100 dahil ipinangako aniya nila na seremonya lamang ito at maghahanda pa para bukas.
Ayon sa PGH director tatapusin lamang ang pagbabakuna sa 100 at bukas ay ipagpapatuloy at lalo pang pagagandahin ang sistema para mas mapabilis.