BBM-Sara, suportado ng Scouts Royale Brotherhood
NAGKAISA ang National at International Officers ng Scouts Royale Brotherhood International Service Fraternity and Sorority, Inc. (SRB) na suportahan sina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential aspirant Mayor Sara Duterte sa halalan sa Mayo.
Sa Manifesto na iprinisinta ni SRB Chairman Emmanuel Sipin kay House of Representatives Majority Floor Leader Martin Romualdez na siyang kumatawan sa Uniteam, nakasaad na nakumbisi sila ng isinusulong na pagkakaisa sa bansa ng tambalang BBM-Sara sa pagbuo ng produktibong hinaharap mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Inihayag din ng SRB na ang unity platform ng Marcos-Duterte tandem ay consistent sa vision ng kanilang grupo sa paghubog sa mga indibidwal na nais maglingkod sa kapatiran para sa mas magandang lipunan.
Sa ilalim ng liderato ng tambalang Marcos-Duterte, nakikita ng SRB ang sama-samang pagtatatag ng mas matibay na nasyon na ang layunin ay mapagbuti ang pamumuhay ng mga Filipino.
Tiniyak naman ni Romualdez na si BBM ay may kakayahan at handa sa trabaho bilang Pangulo ng bansa.
Idinagdag ni Romualdez na si BBM ay desididong maglingkod, at sa tulong ni Mayor Inday Sara, ay tiyak na ang pagbangon at tagumpay sa pagpapa-angat ng pamumuhay ng mga Filipino.
Tiniyak din ng SRB ang suporta sa Tingog Partylist na consistent din sa kanilang vision.
Ang Manifesto ng SRB ay tinanggap ni Tingog Partylist second nominee, Jude Acidre. Ang iba pang nominees ng Tingog Partylist ay sina Congresswoman Yedda Marie Romualdez at Karla Estrada.
Nagsilbing host sa event si Atty. Sheila Manuel, spokesperson ng United Pilipinas, na parallel group ng Uniteam na binubuo ng 30 organizations na may 2.7 million members. Present din sa event si Victor Manuel, na pinsan ni Marcos.
Si dating MMDA Chairman Benhur Abalos, na national campaign manager ni BBM, ay miyembro ng SRB Fraternity Don Bosco Mandaluyong Chapter.
.