Barangay official sa Davao kakasuhan ng DSWD matapos kupitin ang P8,500 na halaga ng ayuda na tinanggap ng isang ginang na buntis
Pinakakasuhan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang isang opisyal ng barangay sa Davao Region matapos kaltasan ng P8,500 ang P10,000 ayuda na ibinigay sa isang ginang na buntis.
Inatasan ni Gatchalian ang regional director ng DSWD Field Office 11 na si Vanessa Goc-ong na tulungan ang biktima na isulong ang pagsasampa ng kaso sa sangkot na barangay official.
Ayon sa DSWD Davao Region, ang biktima ay nakilalang si Anne Villarin na benepisyaryo ng P10,000 halaga ng cash aid sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Pagkatapos matanggap ang cash sa ginawang payout, inatasan ang ginang na magtungo sa barangay, at doon ay kinuha ang P8,500 sa kaniya at P1,500 lamang ang kaniyang naiuwi.
Nakarating kay Gatchalian ang viral video ng babae kung saan isinalaysay nito ang nangyari.
Ayon kay Gatchalian, kasong administratibo at kriminal ang kakaharapin ng sangkot na opisyal ng barangay.
Nanawagan si Gatchalian sa iba pang benepisyaryo na maaaring nakaranas ng parehong insidente gaya ng kay Villarin na agad magsumbong sa DSWD. (DDC)