Banta ni Lt. Gen. Parlade sa isang reporter kinondena ng grupo ng mga mamamahayag
Kinondena ni Justice and Court Reporters Association (JUCRA) si Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr. sa banta nitong kakasuhan ang reporter ng Inquirer.net na si Tetch Torres-Tupas.
Kasunod ito ng pag-uulat ni Tupas ng inihaing petisyon sa Korte Suprema ng grupo ng mga Aeta.
Dahil sa artikulo ni Tupas na may titulong “Tortured Aetas seek SC Help against anti-terror law” ay tinawag siyang “propagandista” at binantaang kakasuhan ni Parlade.
Sa pahayag ng JUCRA, kung binasa lamang ni Parlade ang artikulo, malalaman niya na ito ay ibinase sa petisyon inihain sa SC.
Ayon sa JUCRA, maliban sa pag-red tag ni Parlade kay Tupas, binantaan pa itong kakasuhan dahil lang sa pagganap nito sa trabaho.
Ang naturang petisyon ng grupo ng mga Aeta ay ginawan din ng artikulo ng iba pang mamamahayag na miyembro ng JUCRA.
“JUCRA members also reported the Aetas’ petition for intervention, based on the same Supreme Court pleading. Should we all wait for threat from Parlade too? Is the general suggesting that justice reporters are supporters of terrorists?” ayon sa pahayag.
Iginiit ng JUCRA na dapat ay humingi ng paumanhin si Parlade kay Tupas sa kaniyang ginawa.