Banggaan ng Panamanian Vessel at Motor Tanker sa Bataan iniimbestigahan na ng Coast Guard
Kumikilos na ang Philippine Coast Guard hinggil sa naganap na banggaan na kinasasangkutan ng Panama-flagged bulk carrier, na MV Dawn Horizon at motor tanker ng Pilipinas na MTKR Malingap sa karagatang sakop ng Luzon Point, sa Mariveles, Bataan.
Ito ay kasunod nang inihaing reklamo o marine protest ng
MTKR Malingap laban sa Panamanian carrier sa Coast Guard Sub-Station Mariveles, 14-na oras matapos ang insidente noong Agosto a-15.
Sa kanyang complaint, sinabi ni Antonio Guiritan, RAD officer ng MTKR Malingap, na bigo o hindi sinunod ng MV Dawn Horizon na ino-operate ni Captain Jovar Arboleda, ang advisory ng Vessel Traffic Management System (VTMS) – Corregidor na malapit o dalawang nautical miles na lamang ang layo nito sa MTKR Malingap.
Wala namang naiulat na nasugatan sa mga crew o lulan ng MTKR Malingap ngunit nagtamo ng malubhang pinsala ang barko ng Pinoy dulot ng bungguan.
Samantala, sa isa pang insidente, tiniyak ng Philippine Coast Guard na ligtas sa oil spill ang Vietnamese cargo vessel na MV Globe 6 na sumadsad sa karagatang sakop ng Nagubat Island at Liwagao Island sa Caluya, Antique noong August a-13, 2020.
Sa report ng mga diver ng BRP Cape Engaño (MRRV-4411) na nagsagawa ng underwater hull inspection, nagtamo ng 80 percent minor ang nasabing sasakyang pandagat.