Balitang marami ang drop out sa School Year 2020-2021 ‘fake news’ ayon sa DepEd
Itinanggi ng Department of Education ang mga balita na tumaas ang bilang ng dropouts para sa School Year 2020-2021.
Ayon sa DepEd, matapos ang sunud-sunod na konsultasyon sa regional directors at field offices, natunayang walang katotohanan ang naturang pahayag.
Sinabi ng DepEd na walang tiyak na indikasyon sa mataas na numero ng dropout kaugnay sa blended learning, base na rin sa pagsusuring isinagawa ng mga opisyal sa field.
Sa lingguhang pagpupulong ng Executive-Management Committee ng DepEd ay walang regional director ang nag-ulat ng nakababahalang detalye ukol sa dropout sa kanilang mga nasasakupan.
Sinuportahan naman ito ng mga ulat at konsultasyon sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang na isinagawa ng field offices.
Ayon sa DepEd, walang mag-aaral ang nag-drop-out sa kanilang mga paaralan, bagkus sila ay maaaring lumipat mula sa isang mode of learning patungo sa isa o mula sa isang lugar patungo sa iba.
Batay sa obserbasyon ng DepEd, ang paglipat ng mga mag-aaral ay dahil sa epekto sa ekonomiya ng kasaluyang pandemya.
Ipinakikita rin sa datos na ang mga mag-aaral ay maaaring lumipat mula sa paaralang nasa siyudad patungo sa mga paaralang nasa probinsiya o ‘di kaya naman ay mula sa pribado patungo sa pampublikong paaralan.
Nagdesisyon naman ang ibang mag-aaral lumipat mula sa modular patungong blended learning.
Paalala ng DepEd sa publiko na huwag bumuo ng konklusyon sa mga maling pahayag o sa isolated cases. (D. Cargullo)