Bakuna vs tigdas, polio handa na para sa milyong mga bata sa Region 4-A
Tinatayang 1.5 million na mga bata sa Region 4-A (Calabarzon) ang babakunahan laban sa tigdas at polio ng Department of Health (DOH).
Sinabi ng DOH na 1,524,327 sa rehiyon ang isasalang sa “Measles-Rubella and Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity o MR OPV SIA Phase 2 Campaign na sisimulan sa February 1 at tatagal hanggang February 28.
Sa bilang na ito, 290,588 na bata na mula sa lalawigan ng Batangas ang babakunahan; 380,067 sa Cavite; 306,619 sa Laguna; 236,913 sa Quezon; at 310,140 sa Rizal.
Ayon kay DOH Regional Director Eduardo C. Janairo, handa na ang mga katuwang na LGU at ang vaccination teams para sa measles and polio vaccine na ibinibigay sa 0 hanggang 59-months old.
Pinawi ni Janairo ang pangamba ng mga magulang ng mga batang babakunahan at hinikayat na huwag matakot sa ibibigay na bakuna sa dahil ito ay ligtas at ito lang ang magbibigay ng proteksyon sa kanilang mga anak laban sa tigdas at polio.
Tiwala si Janairo na mas madali ngayong mababakunahan ang mga bata dahil karamihan sa kanila ay nasa kanilang mga bahay at bawal lumabas dala ng kasalukuyang pandemya.